hindi talaga bagay sa akin ang masaya. hindi ko rin naman kayang magpanggap. kaya't eto, nagpapakatotoo na ulit ako, bago pa man matapos ang taon.

ang totoo ay napakalungkot ko. nakakatawa pa nga dahil mas madalas na akong umiyak ngayon kaysa dati. hindi na yata problema ang kakulangan ng tubig sa dalas ng pag-iyak ko.

ang totoo ay hindi ko alam ang dapat kong gawin. may mga nagsasabi na sundin ko ang aking puso, sa alam kong makapagpapasaya sa akin. may mga nagsasabi naman na sundin ko ang aking isip, dahil ang kasiyahan naman ay estado ng isipan lamang. nakakatawa, dahil hindi naman pag-ibig lamang ang pinag-uusapan. sana nga, pero hindi eh.

ang totoo ay nasasakal na ako.
ang totoo ay gusto ko nang sumuko.
ang totoo ay gusto ko nang maglaho.

ang totoo ay wala naman talaga akong mapagpipilian, wala na akong ibang magagawa. nakakadena na, nakakandado pa. wala talagang lusot.

ang totoo ay ayokong makadamay pa ng iba sa kalungkutan ko.
ang totoo ay mas sumasama ang loob ko sa tuwing may nangagamusta sa akin.
ang totoo ay ayokong biguin ang mga naniniwala sa akin.
ang totoo ay halos imposibleng makapagpasaya ng tao kung hindi ko nga kayang pasiyahin ang aking sarili.

ang totoo ay nahihirapan na akong gawin ang tama, ang dapat. pero kaya nga tinawag na "tama" -- dahil mahirap itong gawin.

mas madali dati.

ang totoo ay kasalanan ko kung bakit ako nasa ganitong sitwasyon.

ang totoo ay natural na sa akin ang pagiging malungkot at ang kakaiba ay ang aking pagiging masaya.

ang masaklap ngunit totoo: sanay na ako dito.